MANILA, Philippines — Kumpiyansa sina Philippine Swimming Inc (PSI) president Miko Vargas at secretary general Batangas Rep. Eric Buhain na marami pang batang swimmers ang papasa sa qualifying time standard (QTS).
Ang QTS kasi ang basehan ng PSI para sa pagpili ng mga tankers na ilalaban sa 35th Southeast Asia Age Group Championships sa Agosto 24-26 sa Jakarta, Indonesia.
“We’re hoping na marami pa tayong mag-qualify sa tatlong natitirang tryouts,” sabi ni Vargas. “Pero for sure we will send the best of the best in Jakarta.”
Pinamunuan nina national junior record-holder Jamesray Michael Ajido at World Junior Championship campaigner Amina Bungubung ang 13 pang swimmers na nakakuha ng ‘provisionary status’ sa National Team.
Sina Ajido at Bungubung ay mga miyembro ng Quezon City Buccaneers Swim Club.
Tumipa ang 14-anyos na si Ajido ng 2:14.33 sa boys’ 14-15 200m Individual Medley at 57.46 sa 100m butterfly pasok sa QTS 2:14.83 at 58.43, ayon sa pagkakasunod.
Pasado rin ang 16-anyos na si Bungubung sa QTS 27.69 segundo sa girls’ 16-18 50m freestyle sa kanyang itinalang 27.58 segundo.
Bumandera din ang kanilang mga kasamahan sa QBSC na sina Mishka Sy at Jalil Taguinod sa event na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC) at Speedo.
Naungusan ni Sy ang QTS sa girls’ 16-18 200m butterfly (2:29.07) sa kanyang bilis na 2:24.36 at sa 200m (2:29.86) sa oras na 2:29.54 habang pasado si Taguinod sa QTS (29.89) sa boys’ 16-18 50m breaststroke sa kanyang 29.88 segundo.