Kai Sotto puwersadong magpakitang-gilas sa ensayo
MANILA, Philippines — Sa unang ensayo pa lamang ng Orlando Magic para sa sasabakang NBA Summer League ay kailangan nang makapagpakita ng maganda si Pinoy center Kai Sotto.
Ito ay matapos muling papirmahin ng Magic ang parehong 6-foot-11 na sina Mo Wagner at Goga Bitadze para sa kanilang frontline.
Nagposte si Wagner ng mga averages na 10.5 points, 4.5 rebounds at 1.5 assists para sa Orlando sa nakaraang season habang tumipa si Bitadze ng 5.8 points at 5.2 rebounds.
Dahil dito ay dapat matindi ang ipakita ng 7’3 na si Sotto sa team practice pa lang bago sumabak sa NBA Summer League.
Pinapayagan ng NBA ang bawat koponan na maglagay ng 20 players sa kanilang training camp na gagawing maximum na 15-man lineup para sa opening night roster at tatlo sa isang two-way contracts.
Ang pagtanggap sa two-way contract ang maaaring maging opsyon ni Sotto para matupad ang kanyang NBA dream.
Sisimulan ng Magic ang kanilang team practice ngayong araw kasunod ang pagharap sa Detroit Pistons sa Hulyo 8 para una nilang laro sa NBA Summer League sa Thomas and Mack Center sa Las Vegas, Nevada.
- Latest