Brown wagi ng gold sa Canadian athletics meet

MANILA, Philippines — Itinakbo ni national record holder Robyn Brown ang gold medal sa wo­men’s 400-meter hurdles para banderahan ang kampanya ng Philippine athletics team sa 2023 Royal City Inferno Track and Field Festival sa Ontario, Canada.

Nagposte ang Fil-Ame­rican trackster ng bilis na 57.49 segundo para ang­kinin ang ginto kasunod sina Kaila Barber (57.95) at Marie-Frederique Poulin (58.51).

Mas mabagal ito sa itinalang 56.51 segundo ni Brown para sa silver medal sa nakaraang 32nd SEA Games sa Cambodia.

Bahagi rin si Brown ng 4x400m relay team na kumuha sa silver at kasama sa 4x400m relay mixed event para sa bronze sa nasabing biennial event noong Mayo.

Samantala, nagdagdag ng silver si Umajesty Williams sa men’s 400m sa kanyang tiyempong  46.07 segundo sa ilalim ng 44.07 segundo ni gold medalist Michael Roth.

Tanso naman ang ambag nina six-time SEA Games champion Eric Cray sa men’s 400m hurdles (49.88 segundo) at William Morrison sa men’s shotput (17.85 meters).

Ang nasabing torneo ay ginagamit ng national squad bilang preparasyon sa darating na 2023 Asian Athletics Championships na nakatakda sa Hulyo 12-16  sa Pattaya, Thailand.

Inaasahang lalahok din si World No. 3 pole vaulter EJ Obiena.

 

Show comments