MANILA, Philippines — Hindi na binigyan ng tsansa ng Green Archers na makahirit ang Red Lions.
Kinumpleto ng EcoOil-La Salle ang 2-0 sweep sa Marinerong Pilipino-San Beda matapos kunin ang 89-74 panalo sa Game Two at pagharian ang 2023 PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Tinapos ng Green Archers ang kanilang best-of-three championship series ng Red Lions kasama ang 108-82 panalo sa Game One para sa back-to-back crown.
Kumamada si Conference Most Valuable Player Kevin Quiambao ng 26 points, tampok dito ang anim na three-point shots, bukod sa 10 rebounds, 2 assists at 1 steal.
“Iyong core namin from last championship nandito pa din naman but what’s big here is the maturity of the guys,” ani assistant coach Gian Nazario na inatasan ni head coach Topex Robinson na hawakan ang tropa.
Nagdagdag si Evan Nelle ng 16 markers, 7 assists, 6 steals at 5 rebounds habang may 14 markers si Mark Nonoy at humakot si Fil-Am forward Mike Philips ng 12 points at 10 boards.
Ang layup ni Nonoy ang nagbigay sa EcoOil-La Salle ng 11-point lead, 32-21, sa 7:06 minuto ng second period bago nakatabla ang Marinero-San Beda sa 44-44 sa kaagahan ng third quarter.
Ngunit isang 16-2 atake, tampok ang magkasunod na triples nina Quiambao at Nonoy, ang muling naglayo sa La Salle sa 60-46 sa 5:10 minuto ng nasabing yugto.