Ancajas sasagupain naman si Soto sa isang 8-rounder
MANILA, Philippines — Ito ang isang pagkakataon na hindi maaaring pakawalan ni Jade Bornea.
Tatangkain ni Bornea na agawin kay reigning champion Fernando Martinez ng Argentina ang suot nitong International Boxing Federation (IBF) super fly weight crown ngayong umaga (Manila time) sa Armory sa Minneapolis.
“I know that I can’t waste this opportunity to become world champion,” sabi ng 28-anyos na si Bornea na may bitbit na 18-0-0 win-loss-draw ring record tampok ang 12 knockouts.
Sakaling manalo ay si Bornea ang magiging ikalawang lehitimong world boxing champion ng Pilipinas matapos si IBF at World Boxing Association (WBA) super bantamweight king Marlon Tapales (37-3-0, 19 KOs).
Taglay naman ng 31-anyos na si Martinez ang malinis ring 15-0-0 card kasama ang walong KOs.
Parehong pasado ang dalawa sa weigh-in kahapon kung saan tumimbang si Bornea ng 115 pounds, habang 114 1/2 pounds si Martinez.
Nangako ang tubong General Santos City na gagawin niya ang lahat para maibalik sa Pilipinas ang nasabing IBF title.
Ngunit patutunayan ni Martinez na siya pa rin ang patuloy na magsusuot ng korona.
“I’m going to put on a show and prove to everyone that I’m not only the champion, but the champion who’s going to be there for years to come,” wika ng Argentine champion.
Si Martinez ang umagaw sa IBF super flyweight belt ni Jerwin Ancajas via unanimous decision noong Pebrero 26, 2022.
Bigo rin si Ancajas na mabawi ang IBF title kay Martinez sa kanilang rematch noong Oktubre 8 ng parehong taon.
Si Charlie Fitch ang tatayong referee at sina Mike Fitzgerald, Jerome Jakubco at Zac Young ang magsisilbing mga judges.
Sasalang naman sa undercard ang 31-anyos na si Ancajas (33-3-2, 22 KOs) laban kay Wilner Soto (22-12-0, 12 KOs) ng Colombia para sa isang eight-round, non-title super bantamweight fight.