Valdez handa na sa PVL Invitationals
MANILA, Philippines — Handa nang makipagsabayan si Creamline team captain Alyssa Valdez sa Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference na papalo sa Hunyo 27 sa The Arena sa San Juan City.
Sumailalim sa ilang buwan na rehabilistasyon si Valdez matapos magtamo ng minor injury sa huling bahagi ng taon noong 2022 PVL season.
Ngunit tiniyak ni Valdez na nakarekober na ito at handa na itong muling maglaro ng 100 porsiyento kasama ang Creamline sa kanilang title defense.
“I’m fully recovered. Graduated already twice on my hop test. Cleared to train 100%. Confirm tumatalon na po ako,” ani Valdez sa programang The Game.
Aminado si Valdez na hindi naging madali ang kanyang pinagdaanan.
Marami itong isinakripisyo para maabot ang 100 porsiyentong kundisyon.
Kasama si Valdez sa national team na sumabak sa 2023 SEA Games sa Phnom Penh, Cambodia.
Subalit bibihira itong nasilayan sa aksyon upang maiwasan na mas lumala pa ang kanyang injury.
Sa pagbabalik ni Valdez sa Cool Smashers, mas lalo pang magiging matinik ang kanilang tropa.
Makakasama nito sa ratsada sina wing spikers Jema Galanza, Tots Carlos at Michele Gumabao, middle blockers Jeanette Panaga at Ced Domingo, at playmaker Jia Morado.
Target ng Creamline na madepensahan ang kanilang korona na napanalunan nito noong nakaraang taon matapos pataubin ang foreign guest team na King Whale Taipei sa finals.
- Latest