MANILA, Philippines — Patuloy ang pananalasa ni Tokyo Olympics veteran Carlos Edriel Yulo matapos humakot pa ng dalawang gintong medalya kahapon sa Senior Artistic Gymnastics Asian Championships na ginanap sa OCBC Hall sa Singapore.
Nakahirit na ang Pinoy world champion ng gintong medalya sa men’s floor exercise noong Sabado at pilak sa men’s all-around event noong Biyernes.
Subalit hindi pa kuntento si Yulo.
Muli nitong inilatag ang kaniyang tikas matapos paharian ang men’s vault sa pamamagitan ng nakolekta nitong 14.299 puntos.
Pinataob ni Yulo si Abdulaziz Mirvaliev ng Uzbekistan na nagrehistro ng 14.083 puntos para magkasya sa pilak at Kim Jae Ho ng South Korea na may 13.766 para kubrahin ang tanso.
Nagtapos naman si Juancho Miguel Besana sa ikawalong puwesto tangan ang 13.417 puntos.
Ilan sandali lamang ay hataw naman si Yulo sa men’s parallel bars kung saan naisumite nito ang 15.266 puntos upang angkinin ang gintong medalya.
Naungusan ni Yulo sina silver medalist Shinnosuke ng Japan na may 15.133 at bronze winner Yin De Hang ng China na may 15.100.
Nagkasya naman sa tansong medalya si Yulo sa men’s horizontal bars bitbit ang 14.033 puntos.
Sa kabuuan ay may tatlong ginto, isang pilak at isang tansong medalya si Yulo sa naturang Asian meet.
Nag-ambag naman ng pilak na medalya si Emma Lauren Malabuyo sa women’s floor exercise.
Nakakuha si Malabuyo ng 13.166 puntos, habang nanguna si Zhang Qing Yung ng China na may 13.233 puntos.
Pumangatlo si South Korean bet Shin Solyi na may 13.066 puntos.
May tanso pa mula kay Aleah Finnegan sa women’s balance beam.
Umani si Finnegan ng 12.833 puntos, habang donimina ng China ang naturang event matapos makuha nina Zhang Qing Ying (14.200) at Zhang Xin Yi (12.133).