MANILA, Philippines — Pipilitin ng nagdedepensang EcoOil-La Salle at Wangs’ Basketball-Letran na walisin ang University of Perpetual Help System Dalta at Marinerong Pilipino-San Beda para maitakda ang kanilang championship series.
Lalabanan ng Green Archers ang Altas ngayong alas-2 ng hapon kasunod ang upakan ng Knights at Red Lions sa alas-4 sa Game Two ng kani-kanilang 2023 PBA D-League Aspirants’ Cup semifinals duel sa FilOil Center sa San Juan City.
Minasaker ng EcoOil-La Salle ang Perpetual, 107-78, sa Game One sa likod ng 22 points ni Mark Nonoy tampok ang limang triples para sa 1-0 lead sa kanilang semis showdown.
Nag-ambag si EJ Gollena ng 11 points at humakot si big man Bright Nwankwo ng 10 points at 13 rebounds para sa Green Archers na tinambakan ang Altas ng 33 points.
Sa ikalawang laro, hangad ng Wangs-Letran na masundan ang nauna nilang 93-87 overtime win sa Game One sa Marinero-San Beda para umabante sa best-of-three title series.
Humugot si Kurt Reyson ng 21 sa kanyang 32 points sa fourth period para sa pagtusok ng Knights sa Red Lions.
Bumangon ang Wangs-Letran mula sa 24-point deficit, 10-34, sa second period para resbakan ang San Beda na tumalo sa kanila sa eliminasyon.
Bukod kay Reyson, muli ring aasahan ng Knights sina Kent Santos, Vince Cuajao at Kyle Tolentino laban sa Red Lions na nakahugot ng 24 points kay Jacob Cortez sa series opener.