Jokic, Murray gumawa ng NBA Finals history sa game 3
MIAMI — Wala pang dalawang player mula sa isang koponan ang nagposte ng 30-point triple-double sa isang laro.
Hindi ito nangyari sa regular season, maging sa playoffs at sa NBA Finals.
Ngunit ginawa ito kahapon nina Nikola Jokic at Jamal Murray nang maging unang teammates sa NBA Finals history na naglista ng triple-double sa 109-94 panalo ng Denver Nuggets sa Heat sa Game Three ng kanilang championship series.
Tumapos si Jokic na may 32 points, 21 rebounds at 10 assists at nagposte si Murray ng 34 points, 10 rebounds at 10 assists para sa 2-1 lead ng Denver sa kanilang duwelo ng Miami.
Ang two-time NBA MVP na si Jokic ang pang-pitong player na naglista ng dalawang triple-doubles sa isang NBA Finals.
“By far, their greatest performance as a duo in their seven years together,” sabi ni Nuggets coach Michael Malone na nakahugot kina Christian Braun at Aaron Gordon ng 15 at 11 markers, ayon sa pagkakasunod.
Kumamada si Jimmy Butler ng 28 points, samantalang kumolekta si Bam Adebayo ng 22 points at 17 rebounds sa panig ng Heat.
Ang dunk ni Adebayo ang nagbigay sa Miami ng 44-42 abante sa 3:18 sa second quarter kasunod ang triple ni Murray patungo sa 53-48 halftime lead ng Denver.
Pinalaki ito ng Nuggets sa 19 points sa third period bago nakalapit ang Heat sa nine-point deficit mula sa tres ni Duncan Robinson sa huling 1:22 minuto ng fourth quarter.
“First two games, they won the fourth quarter,” paalala ni Malone sa kanyang Denver team. “Tonight, we win the fourth quarter, we win the game.”
Aminado si Fil-American coach Erik Spoelstra ng Miami na maganda ang inilaro nina Jokic at Murray.
“You have to expect there to be elite talent in the finals,” wika ni Spoelstra. “And both those guys are elite-level talent.”
- Latest