MANILA, Philippines — Ngayong pinangalanan na ang 21-man pool, inaasahang aarangkada na ang ensayo ng Gilas Pilipinas para sa 2023 FIBA World Cup na lalarga sa Agosto 25 hanggang Setyembre 10.
Nangunguna sa listahan si NBA star Jordan Clarkson ng Utah Jazz, at sina naturalized players Justin Brownlee at big man Ange Kouame.
Pasok din sa pool sina 7-foot-3 young big man Kai Sotto, reigning PBA MVP Scottie Thompson at dating PBA MVP June Mar Fajardo.
Kasama sina Dwight Ramos, Jamie Malonzo, Chris Newsome, Jordan Heading, Kiefer Ravena, CJ Perez, Roger Pogoy, Thirdy Ravena, Carl Tamayo, Japeth Aguilar, Poy Erram, Bobby Ray Parks Jr. at Calvin Oftana.
Natupad ang pangarap nina NCAA men’s basketball champion at league Most Valuable Player Rhenz Abando at AJ Edu na mapasama sa pool ng Gilas.
Kahapon, opisyal nang nagsimula ang training camp ng Gilas Pilipinas sa Meralco gym para sa FIBA World Cup.
Bubuo muna ng chemistry ang Gilas Pilipinas sa Maynila bago tumulak sa huling bahagi ng Hunyo sa Europe para sumalang sa training camp.
Mas matinding training ang pagdaraanan ng Gilas Pilipinas sa Europe dahil sasalang ito sa iba’t ibang tuneup games laban sa Estonia, Finland, Latvia at Lithuania.
Nasa recovery period pa sina Fajardo, Pogoy at Aguilar matapos magtamo ng injury sa nakalipas na PBA Governors’ Cup.
Sariwa pa si Abando sa matagumpay na kampanya kasama ang Anyang KGC na nagkampeon sa Korean Basketball League.
Hindi naman na bago si Abando sa Gilas dahil naging bahagi na ito ng koponan noong 2022 FIBA Asia Cup.
Sa kabilang banda, wala pang linaw kung makakasama si Sotto sa training camp dahil kasalukuyan itong nasa Amerika para lumahok sa mini camps.
Matinding laban ang pagdaraanan ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup.
Nasa Group A ang Gilas Pilipinas kasama ang world No. 10 Italy, Angola at Dominican Republic.
Unang makakaharap ng Gilas Pilipinas ang Dominican Republic sa Agosto 25 kasunod ang Angola sa Agosto 27 at ang Italy sa Agosto 29.