DETROIT - Hihirangin ng Pistons si dating Phoenix Suns’ mentor Monty Williams bilang bago nilang head coach.
Nagkasundo si Williams at ang Detroit team sa isang six-year contract.
Hindi pa nananalo ang Pistons ng isang playoff series sapul noong 2008 at dalawang beses lamang umabot ng post-season simula noong 2009.
Papalitan ni Williams sa bench ng Detroit si Dwane Casey na bumaba sa puwesto noong Abril.
Si Williams, hinawakan ang New Orleans Hornets noong 2010-2015, ay sinibak ng Phoenix matapos ang apat na seasons.
Iginiya niya ang Suns sa 2021 NBA Finals bago napatalsik sa second round ng playoffs sa nakalipas na dalawang seasons.
Sa kanyang siyam na seasons bilang isang NBA head coach, nagposte si Williams ng 367-336 win-loss record.
Tutulungan ni Williams, ang 2022 NBA Coach of the Year, ang Pistons na makabangon mula sa league-worst record na 17-65.
Samantala, ipaparada ng Philadelphia 76ers si Nick Nurse kapalit ni coach Doc Rivers.
Inihatid ng 55-anyso na si Nurse ang Toronto Raptors sa 2019 NBA crown tampok sina Kawhi Leonard, Pascal Siakam at Kyle Lowry.
Sa kanyang pagdating sa bakuran ng 76ers ay hahawakan niya sina NBA MVP Joel Embiid at James Harden.