MANILA, Philippines — Muling nabuhay ang pangarap ni Kai Sotto na makapaglaro sa NBA dahil sasalang ito sa mini-camp ng Utah Jazz sa Mayo 30 hanggang 31.
Sa lumabas na ulat, isa ang 7-foot-3 Pinoy cager sa mga lalahok sa mini-camp na posibleng magsilbing daan para makapasok ito sa prestihiyosong liga.
Sa mini-camp, magmamasid ang mga coaches at trainers ng Jazz para makapili ng players na maaari nitong isama sa kanilang listahan.
Kaya naman inaasahang magpapasiklab ng husto si Sotto para makuha ang atensiyon ng mga coaches doon.
Sa katunayan, sumasalang na si Sotto sa pukpukang ensayo sa Los Angeles, California bago tumulak patungong Utah.
Inaasahang magtutungo sa Utah si Sotto sa Mayo 29.
Malapit sa puso ng mga Pilipino ang Jazz dahil kasama nito sa lineup si Filipino-American Jordan Clarkson.
Nakasama na ni Sotto si Clarkson sa Gilas Pilipinas partikular na nang maglaro ito sa isang window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers noong nakaraang taon.
Matatandaang hindi pinalad si Sotto na makuha sa 2022 edisyon ng NBA Draft.
Naglaro si Sotto sa Australia National Basketball League (NBL) kasama ang Adelaide 36ers kung saan may averages itong 6.8 point at 4.5 rebounds.
Galing din si Sotto sa paglalaro sa Japan B. League para sa Hiroshima Dragonflies.