Scorpions lusot sa Gymers sa 2 OT

MANILA, Philippines — Dumaan muna sa butas ng karayom ang Centro Escolar University bago malambat ang ikatlo nilang panalo sa limang laro.

Tinakasan ng Scor­pions ang PSP Gymers via double overtime, 109-107, para palakasin ang tsansa sa semifinal round ng 2023 PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Sinosyohan ng CEU ang University of Perpetual Help System DALTA sa ikatlong posisyon sa magkatulad nilang 3-2 record.

“It’s a big win for us at iyon nga, still hoping na makaangat pa lalo sa ran­kings,” wika ni coach Jeff Perlas.

Nalasap naman ng PSP ang ikalawang sunod na kabiguan para bumaba sa 2-4 sa seven-team tournament.

Isinalpak ni Ron Rei Tolentino ang isang go-ahead three-point shot sa huling 18 segundo ng second overtime para sa 108-107 abante ng Scorpions sa Gymers na nakabangon mula sa 90-98 agwat sa first overtime.

Tumapos si Tolentino na may 20 points para sa CEU na nakahugot kay Franz Ray Diaz ng 21 points, 5 rebounds at 7 assists.

Humakot si Mark Me­neses ng 22 points, 21 rebounds, 3 steals at 6 blocks sa panig ng PSP at nagdagdag si Wendell Comboy ng 19 markers.

Show comments