Scorpions lusot sa Gymers sa 2 OT
MANILA, Philippines — Dumaan muna sa butas ng karayom ang Centro Escolar University bago malambat ang ikatlo nilang panalo sa limang laro.
Tinakasan ng Scorpions ang PSP Gymers via double overtime, 109-107, para palakasin ang tsansa sa semifinal round ng 2023 PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Sinosyohan ng CEU ang University of Perpetual Help System DALTA sa ikatlong posisyon sa magkatulad nilang 3-2 record.
“It’s a big win for us at iyon nga, still hoping na makaangat pa lalo sa rankings,” wika ni coach Jeff Perlas.
Nalasap naman ng PSP ang ikalawang sunod na kabiguan para bumaba sa 2-4 sa seven-team tournament.
Isinalpak ni Ron Rei Tolentino ang isang go-ahead three-point shot sa huling 18 segundo ng second overtime para sa 108-107 abante ng Scorpions sa Gymers na nakabangon mula sa 90-98 agwat sa first overtime.
Tumapos si Tolentino na may 20 points para sa CEU na nakahugot kay Franz Ray Diaz ng 21 points, 5 rebounds at 7 assists.
Humakot si Mark Meneses ng 22 points, 21 rebounds, 3 steals at 6 blocks sa panig ng PSP at nagdagdag si Wendell Comboy ng 19 markers.
- Latest