Sarno puntirya ang 2024 Paris Olympics
MANILA, Philippines — Kagaya nina Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz at Tokyo Olympian Elreen Ando, ang tiket din sa 2024 Olympic Games sa Paris, France ang target ng weightlifting prodigy na si Vanessa Sarno.
Ilang Olympic qualifying tournaments ang nakatakdang lahukan ni Sarno matapos bumuhat ng gold medal sa women’s 71-kilogram ng nakaraang 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia.
Ito ang ikalawang gintong medalya ni Sarno sa nasabing biennial event.
“Iniisip ko po ngayon is nagpo-focus po ako sa pagku-qualify sa Olympics kasi marami pa pong laro para mag-qualify,” wika ng tubong Bohol.
Ang kanyang buhat na 105kg sa snatch ay isang bagong SEA Games record.
Binura ng 19-anyos na si Sarno ang sarili niyang SEA Games mark na 104kg na kanyang itinala sa 2021 Vietnam edition.
Isa si Sarno sa mga sinasabing susunod sa mga yapak ng 31-anyos na si Diaz na nagreyna sa women’s 55kg noong Tokyo Olympics.
Nagdomina si Sarno sa kanyang weight category noong 2020 Asian Weightlifting Championships na idinaos sa Uzbekistan.
At matapos ito ay muli siyang nagpakitang-gilas sa 2021 Vietnam SEA Games.
Bago sumabak sa Cambodia SEA Games ay kumuha muna si Sarno ng silver medal sa nakaraang Asian Championships sa Jinju, South Korea kung saan walang nakuhang medalya si Diaz.
- Latest