Beybi pinaliguan ng kumukulong tubig ng adik na tiyuhin, patay!
MANILA, Philippines — Kalunus-lunos ang sinapit ng 3-buwang gulang na sanggol matapos buhusan at paliguan ng kumukulong tubig ng kanyang adik na tiyuhin habang nasa impluwensya umano ng ipinagbabawal na gamot sa Cainta, Rizal kamakalawa.
Wala nang buhay at may mga lapnos sa katawan at sugat sa ulo nang matagpuan ng mga kapitbahay at mga pulis ang beybi na nakilalang si Bryant Louise Ballesteros, 3-buwang gulang.
Nagtangka namang tumakas subalit mabilis na naaresto ng mga rumespondeng pulis ang suspek na si John Melvin Campos, 18-anyos na siyang tagapag-alaga at nagbabantay sa sanggol at kapatid nitong 1-anyos habang nasa trabaho ang kanilang ina.
Batay sa ulat ng Cainta Municipal Police, dakong alas-10:30 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng sanggol sa loob ng isang paupahang kuwarto sa Room 102 na matatagpuan sa Sampaguita St., Ampalaya Compound., Sitio Halang, Brgy. San Isidro, ng basabing bayan.
Sa tinanggap na ulat ni Col. Dominic Baccay, Rizal Police director, ipinagkatiwala ni Vivien Navarro, 27, ina ng bata, ang kanyang mga anak na 1-taong gulang at ang 3-buwang gulang na biktima sa kanyang pinsan na si Campos, tiyuhin ng mga bata, bago pumasok sa trabaho nitong Linggo dakong alas-5 ng umaga.
Kinabukasan o Lunes ng bandang alas-12 ng tanghali, ipinaalam kay Navarro ang insidente ng kanyang kapatid na natagpuang patay ang kanyang anak na lalaking sanggol.
Nauna rito, napansin ng mga kapitbahay na umalis ng bahay ang suspek dala ang kanyang mga gamit, matapos na ihabilin ang 1-anyos na kapatid ng biktima sa kanilang kapitbahay.
Dahil batid ng mga kapitbahay na may sanggol pa sa bahay ng suspek, agad nilang sinilip at nakita nilang nakatakip na ng kumot ang bata kaya sapilitan na nilang binuksan ang silid. Nang kanilang alamin ang lagay ng sanggol ay dito natuklasang patay na ito malapit sa bintana, at may mga lapnos at sugat sa katawan.
Kaagad tumawag ng tulong sa barangay ang mga kapitbahay at inireport ang insidente sa pulisya na agad namang rumesponde sa lugar.
Ayon kay Baccay, agad na nilikha ng pulisya ang isang tracker team upang tugisin si Campos na tumakas makaraan ang pagkasawi ng sanggol.
Sinabi naman ni Captain Mariesol Tactacquin, tagapagsalita ng Rizal police na naging matagumpay ang hot pursuit operation ng pulisya makaraan nilang maaresto si Campos sa pinagtaguan nito sa Sitio Pakulis, Barangay Poblacion, San Jose Del Monte, Bulacan, nitong Lunes ng gabi.
Sa hiwalay na pahayag ni Police Major Alfonso Saligumba, hepe ng Cainta Police Station, napag-alamang isa umanong adik sa droga ang suspek at nasa impluwensya ng droga nang isagawa ang pagbuhos ng kumukulong tubig sa beybi.
Nang madakip, inamin umano ng suspek ang krimen pero nilinaw na wala siyang intensyon na patayin ang pamangkin. Nagpakulo umano siya ng tubig para paliguan ang pamangkin dahil umiiyak ito sa gutom at wala naman umanong gatas na iniwan ang ina nito. Inakala umano niyang maligamgam pa ang tubig na pinaiinit nito subalit dahil sa “sabog” siya sa droga ay naibuhos umano nito ang tubig sa kanyang pamangkin.
Nang makitang hindi kinaya ng beybi ang matinding init ng tubig at malaga na parang karne ang katawan, agad na nagbalot ng kanyang mga gamit ang suspek at iniwan ang sanggol habang ang kapatid na 1-anyos na kanya ring alaga ay iniwan na lamang sa kanilang kapitbahay.
Inihahanda na ng pulisya ang kasong murder laban sa naarestong suspek. — Mer Layson
- Latest