Pilipinas naka-51 ginto na sa SEAG

Kickboxer Jean Claude Saclag rules the men's lowkick 63kg event to give Team Philippines its 51st gold at the 32nd SEA Games in Cambodia on May 14, 2023.
Photos by Jun Mendoza/The Philippine STAR

‘DI bumitaw sa 5th place

MANILA, Philippines — Hindi tumigil ang mga Pinoy athletes sa pagkolekta ng mga gintong medalya sa papatapos na 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia kahapon.

Humataw ang Team Philippines ng limang golds tampok ang record-breaking performance ni lady weightlifter Vanessa Sarno, dalawa sa arnis at tig-isa mula sa kickboxing at wrestling.

Mayroon ngayong 51 golds, 76 silvers at 102 bronzes ang PHL at hindi bumitaw sa No. 5 spot sa medal standings na pinamumunuan ng Vietnam (119-96-97).

Inangkin ng 19-anyos na si Sarno ang ginto sa women’s 71kg ka­sama ang pagtatala ng bagong SEAG record na 105kg sa snatch para maidepensa ang kanyang titulo.

Naglista rin ang tubong Bohol ng 120kg sa clean and jerk at total lift na 225kg para isunod sa naunang panalo ni Tokyo Olympian Elreen Ando sa women’s 59kg.

Dalawang ginto ang ambag nina Ma. Ella Alcoseba sa women’s full contact live stick (bantamweight) at Dexler Bolambao sa men’s full contact live stick (bantamweight) sa arnis.

Kinolekta ni kickboxer Jean Claude Saclag ang ginto sa men’s lowkick 63kg at nagreyna si wrestling playing coach Tina Vergara sa women’s freestyle -65kg bilang kapalit ni injured Levie Espuerta.

Ang kanyang 18-anyos na anak na si Cathlyn Ver­gara ay nag-ambag ng tanso sa women’s freestyle 59kg.

Sa basketball, ibinulsa ng Gilas Pilipinas women’s team ang pilak mula sa 77-63 paggupo sa Malaysia  habang napasakamay ng Indonesia ang gold sa 6-0 sweep sa torneo.

Nakuntento rin sa pilak ang Gilas Pilipinas wo­men’s 3x3 squad at bigo ring maipagtanggol ang titulo kagaya ng women’s 5x5 team.

Samantala, binanderahan ni naturalized player Justin Brownlee ang Gilas Pilipinas sa dulo ng fourth period para sa 84-76 pagresbak sa Indonesia papasok sa men’s basketball finals.

Lalabanan ng Gilas para sa gold ang Cambodia na tumalo sa kanila, 79-68, sa group-stage.

May pilak sina kickboxers Renalyn Dacquel (women’s full contact -48kg) at Fitzchel Martine Fermato (women’s light contact 50kg) at arnisador Jude Oliver Marie Rodriguez (women’s 50-55kg).

Show comments