Semis series isasara ng Celtics

BOSTON, Philippines — Muling ipapasok ng Cel­tics si defensive center Robert Williams III sa kanilang starting line sa pagsagupa sa Philadelphia 76ers sa Game Seven ng kanilang Eastern Conference semifinals series ngayon.

Ang tambalan nina Williams at center Al Horford sa shaded lane bukod sa mga krusyal na three-point shots ni Jayson Tatum sa dulo ng fourth period ang nagbigay sa Boston ng 95-86 panalo sa Game Six para itabla sa 3-3 ang kanilang duwelo ng Philadelphia.

“It made a tremendous, tremendous difference and you could just see it,” wika ni Celtics’ guard Jaylen Brown sa tinawag na “double big” line up na dumepensa kay NBA MVP Joel Embiid ng 76ers.

Ang sabay na paglalaro nina Williams at Horford para sa Boston ang nagresulta sa 1-of-11 field goal shooting ng Philadelphia sa first quarter.

Nagmintis din ang 76ers sa kanilang huling 11 tirada sa huling bahagi ng fourth period.

“I saw a sense of urgency, I saw a sense of togetherness,” ani Celtics’ coach Joe Mazzulla. “The guys have shown that as long as they have played together.”

Show comments