Pinas laglag sa no. 6
MANILA, Philippines — Sadyang walang makatalo kay Eric Cray pagdating sa men’s 400-meter hurdles ng Southeast Asian Games athletics competition.
Kahapon ay itinakbo ng Fil-American ang kanyang ikaanim na sunod na gold medal sa nasabing event matapos magposte ng 50.03 segundo sa 32nd SEA Games sa Cambodia.
Itinaas ng 34-anyos na si Cray ang kanyang anim na daliri bilang pagkukumpara sa anim na NBA titles na napanalunan ni Chicago Bulls great Michael Jordan.
Nakuntento sa silver si Fil-Am Robyn Brown sa women’s 400m hurdles sa kanyang tiyempong 56.29 segundo.
Dumulas ang Pilipinas sa sixth place sa likod ng 27 golds, 50 silvers at 65 bronzes habang inagaw ng Vietnam (57-56-70) ang No. 1 spot sa Cambodia (56-44-55).
Posibleng sumuntok ng gold sina boxers Rogen Ladon (men’s 51kg), Carlo Paalam (men’s 54kg), Ian Clark Bautista (men’s 57kg), Paul Bascon (men’s 60kg), Norlan Petecio (men’s 67kg), John Marvin (men’s 80kg), Markus Tongco (men’s 92kg), Irish Magno (women’s 54kg), Nesthy Petecio (women’s 57kg) at Riza Pasuit (women’s 63kg).
Bigo si Markus Tongco (men’s 92kg) sa semis kaya nagkasya sa bronze.
Idaraos ang boxing finals bukas.
Sa women’s volleyball, humataw si Kat Tolentino ng 11 points sa 25-17, 25-14, 25-13 paggiba sa Singapore papasok sa semifinals.
Itinala ng nagdedepensang Gilas Pilipinas women’s team ang 2-0 record nang igupo ang Singapore, 94-63, tampok ang 14 points ni Khate Castillo.
May pilak si Kristian Narca (khun khmer men’s 57kg), ang Sibol women’s MLBB team (esports) at ang men’s at women’s sepak takraw teams.
Inangkin ng women’s cricket team ang unang medalya sa nasabing sport nang magkasya sa silver mula sa 25-78 kabiguan sa Indonesia sa finals ng six-a-side event.
Unang isinama ang cricket sa calendar of events ng SEA Games noong 2017.
Nag-ambag ng tanso sina swimmer Jasmine Alkhaldi (women’s 50m butterfly), fencer Jylyn Nicanor (women’s sabre individual), wushu artists Xander Alipio (men’s 65kg sanda) at Sandrix Gainsan (men’s jianshu+qiangshu), cue player Francisco Dela Cruz (cushion carom), ang women’s badminton team at si cyclist Ronald Oranza (men’s criterium).
Muling papadyak si Oranza sa individual road race ngayong araw kasama sina dating SEA Games champion Mark John Lexer Galedo, Marcelo Felipe, Rench Michael Bondoc at Nichol Pareja.