Cray hari pa rin ng 400m hurdles

MANILA, Philippines — Pinatunayan ni Filipino-American Eric Cray na siya pa rin ang hari sa men’s 400-meter hurdles matapos masikwat ang ikaanim na sunod na gintong medalya kahapon sa 32nd Southeast Asian Games athletics competition sa Morodok Techo Stadium sa Phnom Penh, Cambodia.

Nailagak ni Cray ang bilis na 50.03 segundo sapat para maibulsa ang korona.

Tinalo ni Cray sina Natthaphon Dansungnoen ng Thailand na nagkasya sa pilak tangan ang 50.73 segundo at Jun Jie Calvin Quek ng Singapore na naglista ng 50.75 para sa tanso.

Ito ang ikaanim na sunod na gintong medalya ng 34-anyos hurdler sa kanyang paboritong event.

Una nang nagkampeon si Cray noong 2013 edis­yon sa Myanmar kasunod noong 2015 sa Singapore, 2017 sa Malaysia, 2019 sa Pilipinas at 2021 edisyon sa Vietnam.

Matapos ang karera, itinaas ni Cray ang kanyang kamay na nagsesenyales ng anim.

Patungkol ito sa ika­anim na kampeonato na maihahalintulad sa tagumpay ni Michael Jordan sa NBA.

“Six! You know last year was the year of Kobe (B­ryant) that was five (championships) and now it’s six — Jordan — so just a little thing I get going with my coach,” ani Cray.

Umaasa si Cray na madaragdagan pa ang gintong medalya nito dahil sasabak pa ito sa ibang events ngayong araw.

Show comments