Bata wala nang magic
MANILA, Philippines — Unti-unti nang naglalaho ang mahika ng tinaguriang The Magician na si legendary cue master Efren ‘Bata’ Reyes.
Ito ay matapos lumasap ng masaklap na kabiguan ang dating world champion sa Round of 16 ng men’s three cushion carom singles sa 32nd Southeast Asian Games na ginaganap sa Phnom Penh, Cambodia.
Umani si Reyes ng 15-40 desisyon kontra kay Cambodian Woo Donghoon para maagang masibak sa kontensiyon.
Bago sumalang sa laban, optimistiko si Reyes na makukuha nito ang panalo laban kay Woo na may lahing South Korea.
Ngunit nagulantang na lamang ang Pinoy bet nang makita nito ang laro ni Woo na unang beses pa lamang nitong nakalaban.
“Akala ko nung una kayang-kaya ko. Hindi, first time ko lang makalaban ‘tong Cambodia,” ani Reyes.
Hindi pa masagot ni Reyes kung maglalaro pa ito sa 2025 edisyon ng SEA Games na gaganapin sa Bangkok, Thailand.
Sa naturang petsa, magiging 70-anyos na si Reyes.
Handa naman si Reyes na ipaubaya na sa mga kabataang cue master ang paglalaro sa SEA Games.
“Hindi ko alam pero basta may players na kami na maglalaro ng karambola, papapalit na ako,” ani Reyes.
Gayunpaman, panalo si Reyes sa mata ng mga tagahanga nito na kaliwa’t kanan ang nagpapakuha ng larawan sa kanya.
- Latest