MANILA, Philippines — Nalusutan ng De La Salle University ang matikas na hamon ng defending champion National University, 18-25, 25-22, 22-25, 25-21, 15-13, upang makalapit sa inaasam na kampeonato sa UAAP Season 85 women’s volleyball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Bumandera sa matikas na kamada ng Lady Spikers si super rookie Angel Canino na humataw ng 21 puntos mula sa 19 attacks at dalawang aces kasama ang 14 receptions.
Nakuha ng La Salle ang 1-0 bentahe sa best-of-three championship series kung saan isang panalo na lamang ang kailangan nito para maibalik sa Taft-based squad ang korona.
“Nagharap na rin kami sa juniors and ganun pa rin kami sobrang competitive po namin pareho (ng NU),” ani Canino.
Nakatuwang ni Canino si middle blocker Thea Gagate na naglista ng 17 markers tampok ang apat na blocks habang nagdagdag si Shevana Laput ng pitong puntos.
May tig-anim naman sina playmaker Mars Alba, Alleiah Malaluan at Jolina Dela Cruz habang lima ang nagawa ni Annie Provido.
Dominado ng Lady Bulldogs ang attack line matapos magpako ng 70 hits kumpara sa 46 ng Lady Spikers.
Subalit nakagawa ang NU ng 34 errors habang matikas ang La Salle sa blocking department tangan ang 16-4 edge.
Nasayang ang 28 puntos ni opposite spiker Alyssa Solomon gayundin ang 22 hits ni reigning MVP Bella Belen para sa Lady Bulldogs.
Lalaruin ang Game 2 ng serye sa Linggo.