Obstacle bets bumandera
MANILA, Philippines — Nagparamdam ng puwersa ang Team Philippines matapos sumungkit ng limang gintong medalya sa apat na events ng 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia kahapon.
Ang nasabing mga gold medals ay mula sa panalo sa obstacle course racing, jiu-jitsu, karate at aquathlon para manatili sa second place ng medal tally.
May pitong ginto, pitong pilak at 10 tansong medalya ang Pilipinas sa ilalim ng host Cambodia (14-8-6) kasunod ang Indonesia (6-5-7), Vietnam (4-4-12) at Thailand (3-7-9).
Ang unang dalawang ginto ng bansa ay nagmula kina Jenna Kaila Napolis (jiu-jitsu) at Angel Gwen Derla (Cambodian martial na kun-bokator).
Dalawang gold medals ang inangkin nina Precious Cabuya at Mark Julius Rodelas sa all-Pinoy finals ng women’s at men’s individual 100m event ng obstacle racing competition sa Chroy Changvar Convention Center Car Park.
Tinalo ni Cabuya ang kababayang si Kaizen dela Serna at inungusan ni Rodelas si Kevin Pascua mula sa kanilang mga record time na 32.73 at 25.19 segundo, ayon sa pagkakasunod.
Itinumba ni jiu-jitsu master Annie Ramirez ang ginto sa women’s ne-waza nogi -57kg class matapos talunin si Vietnamese Thi Thoung Le via knee bar (submission).
Nagwagi rin ang 32-anyos na si Ramirez sa magkakaibang weight classes noong 2019 Manila at 2021 Vietnam SEAG.
Nagdagdag naman ng ginto si Sakura Alforte mula sa kanyang panalo sa women’s individual kata.
Kumolekta rin ng gold sina Matthew Hermosa, Kira Ellis, Erica Burgos, at Inaki Lorbes sa mixed team relay ng aquathlon competition.
Samantala, naka-silver si World No. 12 Junna Tsukii matapos matalo kay Shahmalarani Chandran ng Malaysia sa individual female -50kg kumite via judges’ decision matapos silang magtabla sa 1-1.
Sa athletics, itinakbo ni Arlan Arbois ang silver sa men’s marathon (2:33:27) sa ilalim ni gold medalist Agus Prayogo (2:32:59) ng Indonesia.
Tanso ang nakuha ni 2019 Manila SEAG queen Christine Hallasgo na may 2:50:27 sa women’s side na pinamunuan ni defending champion Odekta Naibaho (2:48:14) ng Indonesia.