3 pang jiu jitsu fighters pupuntirya ng gold
MANILA, Philippines — Matapos si Jenna Kaila Napolis, tatlo pang jiu-jitsu fighters ang pupuntirya ng gintong medalya sa 32nd Southeast Asian Games ngayong araw sa Chroy Changvar Convention Center sa Phnom Penh, Cambodia.
Sasalang sina Annie Ramirez, Myron Mangubat at Michael Tiu sa kani-kanilang weight divisions sa hangaring maduplika ang gold-medal finish ni Napolis sa women’s ne-waza GI 52kg category.
Ang 22-anyos na si Napolis ang nagbigay sa Pilipinas ng unang gintong medalya sa 2023 Cambodia SEA Games.
Kakampanya si Ramirez sa women’s ne-waza NOGI 57kg class matapos magreyna sa 62kg class noong 2022 Vietnam SEA Games.
Lalaban naman si Mangubat sa men’s ne-waza GI 62kg division habang sasabak si Tiu sa men’s ne-waza GI 69kg category.
Sa Vietnam SEA Games ay dalawang gold, dalawang pilak at dalawang tansong medalya ang kinolekta ng mga national grapplers.
Ang dalawang gold medals ay nagmula kina Ramirez at world champion Margarita Ochoa sa kanilang mga panalo sa women’s -62kg at -48kg divisions, ayon sa pagkakasunod.
- Latest