MANILA, Philippines — Unti-unting nagpapakilala si rookie opposite hitter Shevana Laput na dagdag puwersa sa nangungunang La Salle sa UAAP Season 85 women’s volleyball tournament.
Sinalo ng Filipino-Australian spiker ang puwesto ni injured Leila Cruz na nagtamo ng ACL.
At sa bawat pagkakataon na ibinibigay sa kanya, sinisiguro ni Laput na gagawa ito ng puntos.
Pinatunayan ito ni Laput nang pamunuan nito ang Lady Spikers sa panalo laban sa Adamson University Lady Falcons, 25-17, 25-27, 23-25, 25-23, 15-9 noong Miyerkules.
Muling rumatsada si Laput sa laban ng La Salle kontra sa Ateneo kung saan nagsumite ito ng career-high 16 points mula sa 15-of-25 sa attacks.
Nakuha ng Lady Spikers ang 25-22, 25-19, 25-18 panalo kontra sa Blue Eagles para angkinin ng Taft-based squad ang top seeding sa Final Four.
“Points-wise, I had no idea that I actually did that many but I’m proud of myself. The victory was amazing, you know. Like coach said, we have to fight harder because we started slow and again it’s against a rival school. It just feels great to be victorious,” ani Laput na itinanghal na UAAP Player of the Week.
Masaya si La Salle assistant coach Noel Orcullo sa ipinapamalas ni Laput.