MANILA, Philippines — Napaamo ng University of Santo Tomas ang Far Eastern University, 26-24, 22-25, 25-16, 25-23, para sagpangin ang huling tiket sa Final Four ng UAAP Season 85 women’s volleyball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sumulong ang Golden Tigresses sa 9-3 rekord para makasama sa semis ang De La Salle University Lady Spikers (11-1), defending champion National University Lady Bulldogs (9-3) at Adamson University Lady Falcons (9-4).
Muling naglatag ng halimaw na laro si team captain Eya Laure na bumanat ng 28 points mula sa 23 attacks, tatlong aces at dalawang blocks para pamunuan ang UST sa panalo.
Solido ang suporta ni middle blocker Imee Hernandez na nagpako ng 19 points kabilang ang tatlo sa kabuuang 10 blocks na naitala ng Golden Tigresses.
Nag-ambag sina Milena Alessandrini, Joana Perdido at Regina Jurado ng tigpi-pitong puntos.
Minanduhan ni libero Detdet Pepito ang depensa matapos magtala ng 21 excellent digs at 18 receptions para sa Golden Tigresses.
“Now that we’re part of the Final Four, we’re going to target the top two so we can have a twice-to-beat incentive in the semifinals,” wika ni head coach Kungfu Reyes.
Laglag ang Lady Tamaraws sa 6-7 baraha.
Nanguna sa hanay ng FEU si Gerzel Petallo na may 11 points, 19 receptions at limang digs, samantalang may 12 markers si Mitzi Paningin.
Sa men’s division, naitakas ng FEU ang 25-21, 22-25, 21-25, 25-21, 15-10 panalo laban sa UST para manatiling buhay ang pag-asa sa Final Four.
Tumaas ang Tamaraws sa 7-6 rekord.
“Tiyaga pa. Iyong panalo magandang sign para sa team, magandang pangtaas ng morale. I hope mabitbit namin sa next game,” sabi ni FEU coach Reynaldo Diaz.