Mojdeh, Cabana humataw ng ginto sa Malaysia meet
MANILA, Philippines — Patuloy ang pananalasa ng Behrouz Elite Swimming Team (BEST) Philippines matapos kumana ng dalawang ginto at isang pilak sa ikatlong araw ng bakbakan sa 58th Malaysia Invitational Age Group Swimming Championships sa National Aquatic Center Kuala Lumpur Sports Complex sa Bukit Jalil.
Muling bumandera sa ratsada ng PH BEST si World Junior Championship semifinalist Micaela Jasmine Mojdeh nang mangibabaw sa girls’ 15-17 200m butterfly.
Naitarak ni Mojdeh ang bilis na dalawang minuto at 19.60 segundo para igupo sina silver medalist Jia Jia Yoong ng Malaysia (2:23.37) at bronze medalist Shakthi Balakrishnan ng India (2:23.38).
Maliban sa ginto, humirit pa si Mojdeh ng pilak na medalya sa 200m breaststroke matapos magrehistro ng 2:45.44.
Napasakamay ni Rouxin Tan ng Malaysia ang ginto tangan ang 2:37.09, habang pumangatlo si Gusti Ayu Made ng Indonesia na may 2:45.46.
Sa kabuuan ay may tatlong ginto at dalawang pilak na medalya na si Mojdeh matapos ang third day ng kumpetisyon.
Nauna nang nakaginto ang Philippine national junior record holder sa 400m Individual Medley (5:07.42) at 100m butterfly (1:03.23) at nakapilak sa 200m IM (2:25.37).
Muling bumanat si Lucena City pride Yugo Cabana ng gintong medalya sa kanyang dibisyon.
Pinagharian ni Cabana ang boys’ 11-12 200m butterfly nang maglista ng 2:25.75 para talunin sina Malaysians Zhen Kok Yap (2:27.29) na nagkasya sa pilak at Saw Huai Ching (2:28.40) na umani naman ng tanso.
May limang gintong medalya na ang Pilipinas sa naturang torneo na isang qualifying event para sa World Junior Championships.
- Latest