Gin Kings, Tropang Giga agawan sa 2-1 lead

Nakahanap ng butas si TNT guard Jayson Castro para takasan sina GSM center Christian Standhardinger at Scottie Thompson sa Game 2 ng PBA Finals.
PBA Image

MANILA, Philippines — Wala pa sa kalahati ang best-of-seven championship series ng nagdedepensang Barangay Ginebra at TNT Tropang Giga at marami pang mangyayari.

Ito ang sinabi ni Gin Kings’ coach Tim Cone matapos silang balikan ng Tropang Giga sa Game Two, 95-82, para itabla sa 1-1 ang 2023 PBA Go­vernors’ Cup Finals noong Miyerkules.

“Again, like I said, it’s a series. We’ve got a bunch of games to play yet. This is back and forth. We’ll see what we can do coming back,” wika ng two-time PBA Grand Slam champion mentor.

Pag-aagawan ng Ginebra at TNT ang 2-1 lead ng kanilang title series sa Game Three ngayong alas-5:45 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.

Sa 102-90 panalo ng Gin Kings sa Game One ay humataw si import Justin Brownlee ng 31 points bago siya nalimitahan sa conference-low na 12 markers sa Game Two.

Si Tropang Giga reinforcement Rondae Hollis-Jefferson ang nagpatahimik sa six-time PBA champion import.

“I’m cool with that. I’ve been a defender my whole life, so it’s nothing for me to turn off the scoring or turn it up more,” wika ni Hollis-Jefferson sa patuloy niyang pagbabantay kay Brownlee sa serye.

Kung muling poposasan ni Hollis-Jefferson si Brownlee ay aasa ang Ginebra kina Christian Standhardinger, Scottie Thompson at Jamie Malo­zo para bawian ang TNT.

“So we’ll just see what happens in Game Three,” wika ni Cone sa Gin Kings. “We got to play with a little more discipline and come out with a little bit more fire.”

Sina Hollis-Jefferson, Mikey Williams, Roger Pogoy, Jayson Castro, Calvin Oftana at 6-foot-8 center Poy Erram ang sasandigan ng Tropang Giga.

Umiskor si Pogoy ng 17 points sa Game Two matapos ang malamyang six-point effort sa series opener.

“Mindset ko talaga is hindi ko iniisip kung ano iyong laro ko noong Game One,” sabi ni Pogoy na nakatuwang nina Hollis-Jefferson at Williams sa paglayo ng TNT sa huling dalawang minuto ng fourth period.

“Titingnan ko talaga kung ano iyong ibibigay nila. Makabawi talaga. Hindi lang sa points, pati sa depensa,” dagdag ng Cebuano shooter.

Show comments