TNT binalikan ang Ginebra

MANILA,Philippines - Ilang beses nagtangkang bumangon ang nagdedepensang Barangay Ginebra mula sa double-digit deficit, ngunit hindi ito pinayagang mangyari ng TNT Tropang Giga.
Humakot si import Rondae Hollis-Jefferson ng 23 points, 19 rebounds at 9 assists para akayin ang Tropang Giga sa 95-82 pagganti sa Gin Kings sa Game Two ng 2023 PBA Governors Cup title series kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Bumangon ang TNT mula sa 90-102 pagkatalo sa Ginebra sa Game One noong Linggo para itabla sa 1-1 ang kanilang best-of-seven titular showdown.
“We refused to lose tonight. They know that we cannot go into this game behind 0-2,” sabi ni interim coach Jojo Lastimosa. “They know that this is a must win for us.”
Nag-ambag si Mikey Williams ng 21 markers kasama ang lima sa kabuuang 15 three-point shots ng Tropang Giga.
Nalimitahan si import Justin Brownlee sa 12 points mula sa masamang 3-of-16 field goal shooting para sa Gin Kings na nakahugot kay Christian Standhardinger ng 29 markers at 11 boards.
Nagdagdag si Jamie Malonzo ng 17 points, samantalang may 16 markers, 10 boards at 5 assists si Scottie Thompson.
Itinayo ng TNT ang 16-point lead, 41-25, mula sa drive ni Williams sa 6:29 minuto ng second period bago nakalapit ang Ginebra sa 78-82 matapos ang free throw ni Standhardinger sa huling 6:18 minuto.
Nagsalpak si Williams ng dalawang tres at may isa si Pogoy para muling ilayo ang Tropang Giga sa 93-80 habang ang slam dunk ni Hollis-Jefferson ang tuluyan nang sumelyo sa kanilang panalo sa huling 1:12 minuto.
- Latest