Clippers nagpalakas para sa playoff spot

Ang pamatay na jumper ni Clippers forward Kawhi Leonard laban kay Jabari Walker ng Blazers.
STAR/ File

LOS ANGELES — Kumana si Kawhi Leonard ng 27 points habang may 23 markers si Norman Powell para banderahan ang Clippers sa 136-125 panalo sa sibak nang Portland Trail Blazers.

Nag-ambag si Russell Westbrook ng 20 points para sa pag-upo ng Los Ange­les (43-38) sa fifth spot sa Western Confe­rence at makaiwas na maglaro sa play-in tournament.

Maiiwasan nilang mag­laro sa play-in sa ikalawang sunod na season kung mananalo sa final regular-season game.

Umiskor si Kevin Knox II ng 30 points para sa Portland (33-48).

Isang 14-2 atake ang ginawa ng Clippers para maagaw ang bentahe matapos kunin ng Blazers ang 70-64 halftime lead.

Huling nakadikit ang Portland sa 85-86 mula sa triple ni Knox  habang isang 23-7 bomba ang inihulog ng Los Angeles para selyuhan ang kanilang panalo.

Sa Austin, Texas, nag­pasabog si Anthony Ed­wards ng 33 points para pamunuan ang Minnesota Timberwolves (41-40) sa 151-131 pagkagat sa talsik nang San Antonio Spurs (21-60).

Maaari silang magtapos sa ninth place sa Wes­tern Conference ngunit posible pang umakyat sa No. 8 kung tatalunin ang New Orleans Pelicans (42-39).

Sa Salt Lake City, nag­lista si Ochai Agbaji ng career-high na 28 points sa 118-114 paggupo ng talsik nang Utah Jazz (37-44) sa Western Conference leading na Denver Nuggets (52-29).

Show comments