Rondina, Gonzaga babandera sa beach volley
MANILA, Philippines — Babanderahan nina Volleyball World Beach Pro Tour Futures champions Sisi Rondina at Jovelyn Gonzaga ang kampanya ng Philippine national women’s beach volleyball teams sa 2nd Southeast Asian Games sa Cambodia sa Mayo.
Ito ang inihayag kahapon ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) para sa dalawang koponang tatarget ng gintong medalya sa beach volleyball event ng Cambodia SEA Games.
Ito ang ikatlong pagkakataon na maglalaro para sa bansa si Rondina na isang four-time UAAP beach volleyball Most Valuable Player.
Hahataw naman si Gonzaga sa kanyang ikalawang outdoor volleyball matapos pumalo para sa national women’s indoor squad simula noong 2015 hanggang 2019.
Makakasama nina Rondina at Gonzaga sa national women’s beach volleyball team sina Bernadeth Pons at Dij Rodriguez.
Sasalang naman sa men’s beach volley sina Alnakran Abdilla, Jaron Requinton, Jude Garcia at James Buytrago.
Nakuntento sa bronze medal finish ang Philippine men’s at women’s volleyball teams noong 2019 SEA Games na idinaos sa Subic at sa Hanoi edition noong 2022.
- Latest