TNT vs Ginebra sa finals
MANILA, Philippines — Kagaya ng sinabi ni TNT Tropang Giga interim coach Jojo Lastimosa, ang closeout game sa isang serye ang pinakamahirap tapusin.
Nagawa ito ng Tropang Giga sa 107-92 pagsibak sa Meralco Bolts sa Game Four ng kanilang semifinals series kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Itinakda ng TNT ang best-of-seven championship showdown nila ng nagdedepensang Barangay Ginebra.
Sa Abril 9 gagawin ang Game One.
Kumubra si import Rondae Hollis-Jefferson ng 42 points, 11 rebounds at 3 assists para sa 3-1 pagsasara ng Tropang Giga sa kanilang best-of-five semis wars ng Bolts.
Umiskor si Calvin Oftana ng 21 markers kasama ang limang triples para sa TNT, habang may 17 at 16 points sina Mikey Williams at Roger Pogoy, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni import KJ McDaniels ang Meralco sa kanyang 37 points, 12 boards at 4 assists at kumolekta si Aaron Black ng 19 markers, 7 assists at 5 rebounds.
Ilang beses nagtayo ang Tropang Giga ng double-digit lead bago nakawala sa 103-92 sa huling 1:43 minuto ng fourth quarter.
Ang dalawang free throws ni Hollis-Jefferson ang nagbigay sa TNT ng 107-92 abante.
- Latest