MANILA, Philippines — Muling ibinasura ng Court of Arbitration for Sport (CAS) sa pinakahuling pagkakataon ang isa pang apela ng Philippine Swimming Inc. (PSI).
Pinagtibay ng CAS ang nauna nang desisyon ng World Aquatics na alisin ang pagkilala sa PSI.
“The urgent request for a stay of execution of the decision rendered by the FINA (World Aquatics) Bureau on 21 February 2023 filed by the Philippine Swimming Inc. on 24 March 2023 in the matter CAS 2023/A/9489 Philippine Swimming Inc. v. World Aquatics is dismissed,” pahayag ni CAS Appeals Arbitration Division deputy president Dr. Elisabeth Steiner.
Ang unang dismissal order ng CAS ay nakapaloob sa isang 16-page letter na sagot sa unang apela ng PSI noong Disyembre 20, 2022.
Sinuportahan ng CAS ang kautusan ng World Aquatics na bumuo ng isang Stabilization Committee na hahawak sa aktibidad ng national sports association.
Sa hiwalay na direktiba ay inutusan ng World Aquatics ang Stabilization Committee na magdaos ng tryouts para sa national team na isasalang sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia sa Mayo.
Ginawa ang national tryouts sa New Clark City Aquatics Center sa Capas, Tarlac.
Matapos ito ay sinuspinde ng World Aquatics ang PSI at ipinag-utos ang pagsasagawa ng eleksyon noong Pebrero 22 para sa mga board of directors nito katuwang ang Philippine Olympic Committee (POC).
Inaprubahan naman ng international federation ang isang Electoral Committee na binuo ng POC at pinamunuan ni POC secretary-general Atty. Edwin Gastanes kasama ang mga miyembrong sina legal chief Atty. Wharton Chan, Atty. Avelino Sumagui at Atty. Marcus Antonius Andaya.