Bolts vs Tnt sa semis

Tinangkang harangan ni Javee Mocon ng Phoenix si TNT import Rondae Hollis-Jefferson.
Kuha ni Jun Mendoza

MANILA, Philippines — Sa first half lamang nakipagsabayan ang No. 8 Phoenix bago ipakita ng No. 1 TNT Tropang Giga ang kanilang lakas sa se­cond half para angkinin ang semifinals ticket ng 2023 PBA Governors’ Cup.

Humulagpos ang Tropang Giga sa third period patungo sa 132-105 pagsibak sa Fuel Masters sa kanilang quarterfinals match kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Tumipa si Roger Pogoy ng 25 points, 11 rebounds, 7 assists at 4 steals, kumolekta si import Rondae Hollis-Jefferson ng triple-double na 18 markers, 12 boards at 10 assists para sa TNT.

Hindi na nagamit ng mga bataan ni interim coach Jojo Lastimosa ang hawak nilang ‘twice-to-beat’ advantage papasok sa best-of-five semifinals series.

“We cannot play frustrated basketball,” wika ni Lastimosa sa Tropang Giga na dinikitan ng Fuel Masters sa halftime, 64-66. “They just needed to calm down, pick their spots and play the game.”

Nag-ambag si Jayson Castro ng 20 points at may 19, 15 at 14 markers sina Glenn Khobuntin, Calvin Oftana at Mikey Williams ayon sa pagkakasunod.

Binanderahan ni reinforcement Du’vaughn Maxwell ang Phoenix sa kanyang 23 points at 10 rebounds habang naglista si Jason Perkins ng 21 markers.

Umatake ang TNT sa third quarter matapos makatabla ang Phoenix sa 66-66 sa pinakawalang 14-3 atake para iposte ang 80-69 abante sa 8:01 minuto nito.

Sa ikalawang laro, bumangon ang No. 4 Meralco mula sa 13-point deficit sa third period para sa kanilang 113-107 overtime win sa No. 5 Magnolia papasok sa semifinals.

Lalabanan ng Bolts, nakahugot kay Chris Newsome ng 33 points kasunod ang 27 markers ni import KJ McDaniels, ang Tropang Giga sa isang best-of-five semis series.

Show comments