Bulls diniskaril ang 76ers

Zach LaVine of the Chicago Bulls dribbles against the Brooklyn Nets during the second half at the United Center on February 24, 2023 in Chicago, Illinois.
Michael Reaves / Getty Images / AFP

Philadelphia — Kumana si Zach LaVine ng 26 points habang may 25 markers si DeMar DeRozan para buhatin ang Chicago Bulls sa 109-105 double overtime win sa 76ers.

Tinapos ng Chicago (34-37) ang eight-game winning streak ng Philadelphia (48-23) na nadiskaril ang paghablot sa isang playoff berth.

Humakot si center Nikola Vucevic ng 21 points at 12 rebounds para sa ikatlong sunod na ratsada ng Bulls at palakasin ang tsansa sa final playoff spot sa Eastern Conference.

Kumolekta si Joel Embiid ng 37 points, 16 rebounds at 3 blocks sa panig ng 76ers bago na-foul out sa huling 3:54 minuto ng second overtime.

Naipasok ni Tyrese Maxey ang isang elbow jumper kasunod ang baseline jumper ni Tobias Harris para sa 105-101 abante ng Philadelphia sa 2:36 minuto ng laro.

Naagaw ng Chicago ang 107-105 abante at ang dalawang free throws ni Coby White sa huling anim na segundo ang sumelyo sa kanilang panalo.

Sa Houston, kumamada si Stephen Curry ng 30 points at may 29 points si Klay Thompson sa 121-108 panalo ng Golden State Warriors (37-36) sa Rockets (18-54).

Sa Memphis, nagsalpak si Jaren Jackson Jr. ng 28 points, kasama ang isang layup sa huling 17 segundo para sa 112-108 paggapi ng Grizzlies (44-27) sa Dallas Mavericks (36-36).

Show comments