Celtics naisahan ng Jazz

Blinangka ni Jazz center Walker Kessler ang layup ni Grant Williams ng Celtics.

SALT LAKE CITY — Nagsalpak si Lauri Markkanen ng 28 points at blinangka ni Walker Kessler ang layup ni Grant Williams bago tumunog ang final buzzer sa 118-117 pag-eskapo ng Utah Jazz sa Boston Celtics.

Nag-ambag si Talen Horton-Tucker ng 19 points at may 16 markers si Ochai Agbaji para sa pagbangon ng Utah (34-36) mula sa 19-point deficit sa Boston (49-23).

Tumapos si Williams na may 23 points tampok ang career-high na pitong three-pointers, ngunit nasupalpal ni Kessler ang kanyang tira sa huling posesyon ng Celtics para ipreserba ang panalo ng Jazz.

Si Jayson Tatum dapat sana ang titira ng potensyal na winning jumper, ngunit idiniretso ni Williams, humugot ng 12 points sa fourth quarter, ang bola na nagresulta sa blangka sa kanya ni Kessler.

Humataw si Jaylen Brown ng 25 points at may 16 at 15 markers sina Malcolm Brogdon at Tatum, ayon sa pagkakasunod, para sa Boston.

Sa Indianapolis, umiskor sina Joel Embiid at Tyrese Maxey ng tig-31 points sa 141-121 paggupo ng Philadelphia 76ers (48-22) sa Indiana Pacers (32-39).

Sa New York, nagposte si Jalen Brunson ng 24 points at may 21 markers si RJ Barrett sa 116-110 pagdaig ng Knicks (42-30) sa Denver Nuggets (47-24).

Sa Chicago, naghulog si DeMar DeRozan ng 24 points para sa 113-99 pagpapalamig ng Bulls (33-37) sa Miami Heat (38-34).

Sa Memphis, kumana si Jaren Jackson Jr. ng 31 points sa 133-119 pagdak­ma ng Grizzlies (43-27) sa Golden State Warriors (36-36).

Sa Toronto, humakot si Pascal Siakam ng 27 points at 10 rebounds sa 122-107 paggupo ng Raptors (35-36) sa Minnesota Timberwolves (35-37).

Sa Los Angeles, nagtala si Markelle Fultz ng 28 points sa 113-108 pagtakas ng Orlando Magic (29-42) sa Clippers (37-34).

Show comments