4th win pakay ng UST

MANILA, Philippines — Patatatagin ng University of Santo Tomas ang kapit sa No. 4 spot sa pagharap nito sa Ateneo de Manila University sa pagpapatuloy ng UAAP Season 85 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Maghaharap ang Golden Tigresses at Blue Eagles sa alas-3 ng hapon habang magtutuos naman ang University of the East at Far Eastern University sa alas-11 ng umaga.

Okupado ng UST ang ikaapat na puwesto bitbit ang 3-2 marka habang nangunguna ang De La Salle University na may malinis na 5-0 kartada.

Pareho namang may 4-1 rekord ang defending champion National University at Adamson University para pagsaluhan ang ikalawang posisyon.

Matapos yumuko sa Adamson, rumesbak ang UST nang patumbahin nito ang University of the Philippines (UP), 25-17, 25-23, 25-20 noong Sabado.

“We have to sharpen our game. No matter how bad we study our opponents, if our level of play dips then we’ll have a big problem. Right now, we’re focusing on sharpening our game to 85 to 90 percent and we’ll allocate the remaining 10 for our unforced errors,” ani UST head coach Kungfu Reyes.

Inaalat naman ang Blue Eagles na lumasap ng tatlong sunod na talo para malugmok sa 1-4 marka.

Pinakahuli ang 18-25, 23-25, 19-25 pagyuko nito sa Adamson noong Linggo.

Ipaparada ng Ateneo si scoring machine Faith Nisperos subalit kailangan nito ng solidong suporta mila sa iba pang players gaya nina AC Miner at Vanie Gandler.

Show comments