Nalusutan ng baguhang Quezon Huskers ang Negros Muscovados nang itakas nito ang 82-80 desisyon para masikwat ang buwenamanong panalo sa opening day ng 5th Season ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) sa Lucena Convention Center sa Lucena City.
Mabagal ang simula ng Huskers na nabaon sa 17 puntos na pagkakalugmok.
Subalit naging inspirasyon ng Quezon ang hiyawan ng home crowd upang makabagon.
“We’re so happy, very very happy and proud. Kahit kulang kami ng ensayo, wala pa yung familiarity sa isat’ isa, they show the character of not giving up and give the best for the team and for the supporters,” ani Huskers head coach Eric Gonzales.
Itinarak ng Huskers ang 10-0 run sa pangunguna ni Mark Joseph Pangilinan na kumana ng three-pointer para maagaw ang kalamangan, 79-78, sa huling tatlong minuto ng laro.
Rumesbak ang Muscovados sa likod ni Jason Melano na kumana ng jumper para muling mabawi ang bentahe sa iskor na 80-79.
Subalit isang krusyal na basket ang ibinato ni Huskers point guard Tomas Torres habang naglista si Simone Sandagon ng split free throw para masiguro ng kanilang tropa ang panalo.
Sinubukan ng Negros na makuha ang panalo subalit bigo ito sa kanilang mga huling pagtatangka.
“Dami nilang jitters sa simula dahil puro bago. I continued to encourage them just play the right game. Take the challenge and responsibility. Yun unti-unti nagtulungan naman sila. Hopefully, makita natin ang same intensity in our coming games not just here but on the road,” dagdag ni Gonzales.
Malakas na hiyawan ang dumagundong sa venue kung saan sumalo sina Quezon 4th District Congressman Keith Micah Tan at San Andres Mayor Ralph Edward Lim sa selebrasyon gayundin sina team manager Atty. Donn Kapunan at Quezon Gov. Dr. Helen Tan.
“Masaya tayo, masaya ang ating mga kababayan dahil first time natin sa MPBL at nanalo tayo, despite the fact na kulang sila sa preparasyon at ensayo dahil kailan lang talaga nabuo ang team. Thank You Lord. Talagang ang husay ng ating team pati si Mayor Alcala ay nagbigay ng saya sa ating mga kababayan. Panawagan ko lang sa ating mga kababayan na naninirahan na sa ibang lugar na suportahan ang ating Quezon Huskers once na maglaro ang team sa lugar ninyo,” dagdag ni Tan patungkol kay Lucena City Mark Alcala na malaki ang naibahagi sa panalo ng koponan.
Pinamunuan nina Tan, MPBL founder Senator Manny Pacquiao, Commissioner Kenneth Duremdes at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan ang ceremonial jump ball.
Sa unang laro, nanaig ang Bataan laban sa Rizal, 70-61.