Small but terrible si Caloy
MANILA, Philippines — Muling binigyan ni two-time world champion Caloy Yulo ng karangalan ang Pilipinas matapos sikwatin ang gold medal sa men’s parallel bars ng FIG Artistic Gymnastics World Cup Series kahapon sa Baku, Azerbaijan.
Humakot ang 4-foot-11 na si Yulo ng 15.400 points para talunin sina Illia Kovtun ng Ukraine (15.366) at Bernard Cameron-Lie ng France (14.600) sa third stop ng World Cup series.
Si Kovtun ang namayagpag sa parellel bars sa nasabing serye na idinaos sa Cottbus, Germany at Doha, Qatar.
Sumegunda ag 22-anyos na Pinoy gymnast sa qualifiers sa kanyang iskor na 15.333 para makabawi sa pagiging 21st-placer sa floor exercise qualification.
Ito ang ikalawang gold ni Yulo sa World Cup series makaraang magwagi sa floor exercise sa Doha, Qatar.
May isa rin siyang silver at dalawang bronzes sa nasabing serye.
Malakas rin ang pag-asa ni Yulo na makuha ang gintong medalya sa finals ng vault.
Naglista ang Tokyo Olympian ng 14.916 average sa likod ng 14.949 ni top qualifier Mahdi Olfati ng Iran.
Kumolekta si Yulo ng 9.400 sa kanyang first vault para sa 15.000 score at 9.233 sa second vault para sa 14.833.
Ang iba pang maghahangad ng gold ay sina Andrey Medvedev (14.700) ng Israel, Gabriel Burtanete (14.699) ng Romania, Nicola Bartolini (14.399) ng Italy, Aurel Benovic (14.399) ng Croatia, Harry Hepworth (14.333) ng Great Britain at Shek Wai Hung (14,183) ng Hong Kong.
Ang paglahok ng Batang Maynila sa naturang World Cup series ay bahagi ng kanyang matinding preparasyon para sa 2024 Olympics na gagawin sa Paris, France.
- Latest