ASEAN Taekwondo Championships ikinasa ng PTA
MANILA, Philippines — Magpapasikatan ang mga local at foreign athletes sa pagsipa ng 16th ASEAN Taekwondo Championships sa Marso 10-12 sa Ayala Malls, Manila Bay.
Ang nasabing event na inorganisa ng Philippine Taekwondo Association (PTA) ay magsisilbing tune-up para sa 32nd Southeast Asian Games sa Mayo sa Cambodia.
“More or less iyong mga SEAG athletes ang ipadadala rito,” pahayag ni PTA Secretary General Raul Samson. “Ang event ito ay naging tradisyon sa ating Asean Taekwondo Federation (ATF) family kaya idinaraos sa parehong taon ng kalendaryo ng SEA Games.”
Babanderahan ni Tokyo Olympian Kurt Barbosa ang kampanya ng bansa kasama sina Dave Cea, Laila Delo, Baby Jessica Canabal, Joseph Chua at Alfritz Arevalo.
Humigit-kumulang sa 383 athletes, officials at international referees mula sa walong member countries ang nagkumpirma ng kanilang paglahok katulad ng Brunei, Cambodia, Indonesia, Malaysia, Singapore, Vietnam at Laos.
Ang biennial event ay suportado ng SMART/MVP Sports Foundation, Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC).
Kamakailan lamang ay tinapos ng PTA ang national selection para sa mga miyembro ng koponan para sa Cambodia SEA Games na nakatakda sa Mayo 6-17.
- Latest