MANILA, Philippines — Isa lang ang posibleng gawin ng Converge pag dating sa eight-team quarterfinal round ng 2023 PBA Governors’ Cup.
Ito ay ang palitan si import Jamaal Franklin o magbago ng game plan para sa makakasagupa ng FiberXers sa quarterfinals.
Sa 101-120 kabiguan ng Converge sa Barangay Ginebra noong Linggo ay tumipa lamang si Franklin ng apat na puntos mula sa 2-of-5 field goal shooting.
“It’s either he takes 36 (shots) or he takes five. So what’s the deal?” pagtataka ni coach Aldin Ayo sa inilaro ni Franklin. “For sure there will be changes, but I still can’t say what the definite decision is.”
Bago labanan ang Gin Kings ay nagpasabog muna si Franklin, naglaro sa NBA para sa Memphis Grizzlies at Denver Nuggets, ng 57 points sa 129-132 overtime loss ng FiberXers sa Meralco Bolts noong Biyernes.
Sa nasabing pagkatalo ay nagsalpak ang 31-anyos na si Franklin, pumalit kay New Zealand national team member Ethan Rusbatch, ng 12-of-36 field goal clip.
Ayon kay Ayo, napansin na niya ang ugali ni Franklin sa mga nakaraan nilang laro.
“Iyong mga games namin before against Blackwater, kita ninyo naman iyong body language doon. And there were games also na ganoon,” obserbasyon ng 45-anyos na si Ayo sa asal ni Franklin.
Dahil sa ikatlong sunod na kamalasan ay nawalan ng tsansa ang Converge, may 6-5 baraha, para sa ‘twice-to-beat’ incentive sa quarters.