MANILA, Philippines — Pakay ng defending champion Creamline na makalapit sa semis spot sa pagsagupa sa PLDT Home Fibr sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Maghaharap ang Cool Smashers at High Speed Hitters ngayong alas-4 ng hapon na susundan ng importanteng laro ng F2 Logistics at Choco Mucho sa alas-6:30 ng gabi.
Hawak ng Cool Smashers ang solong pamumuno sa 5-1 rekord kabuntot ang High Speed Hitters na may 4-1 marka.
Nasa two-way tie naman sa No. 3 spot ang Petro Gazz at F2 Logistics bitbit ang magkatulad na 4-2 baraha.
Parehong galing sa panalo ang Creamline at PLDT.
Mabilis na pinataob ng Cool Smashers ang Philippine Army, 25-15, 25-20, 25-12, noong nakaraang linggo para masikwat ang pang-limang panalo.
Hindi naglaro si outside hitter Jema Galanza kaya’t mahaba-haba ang naging pahinga niya at inaasahang magiging eksplosibo kontra sa High Speed Hitters matapos makaipon ng lakas.
Gumaganda na rin ang laro ni two-time MVP Tots Carlos na may iniindang injury.
Sa katunayan ay nagpasabog si Carlos ng 17 points laban sa Lady Troopers.
Maliban kina Galanza at Carlos ay aasahan din ng Creamline sina middle blockers Ced Domingo at Jeanette Panaga at opposite spiker Michele Gumabao.
Sa kabilang banda, mataas din ang moral ng PLDT na pinataob ang Akari Chargers sa kanilang huling laro, 25-14, 21-25, 25-12, 25-15.
Nagsilbing lider sa naturang panalo si Michelle Morente na umiskor ng 14 points gayundin si Dell Palomata na nagtala ng 13 hits.
Babanat din sina Mika Reyes, Mary Anne Mendrez at Jovielyn Prado para makuha ang panalo.