MANILA, Philippines — Ang bilin ni coach Norman Black sa kanyang Meralco team ay huwag sayangin ang pagkakataon para sa ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals.
Kumolekta si import KJ McDaniels ng 19 points at 16 rebounds at may 18 markers si Aaron Black sa 92-86 pagdaig ng Bolts sa Phoenix Fuel Masters sa 2023 PBA Governors’ Cup kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Ang ikalawang sunod na panalo ng Meralco ang nagtaas sa kanilang record sa 7-4.
“We wanted to get this win tonight to give ourselves a chance. One, for the top four and two to avoid the top teams going into the next round,” ani coach Norman Black. “And we were able to accomplish that.”
Nag-ambag si Chris Banchero ng 13 points at may 12 markers at 9 boards si Cliff Hodge.
Humakot si import Du’vaughn Maxwell ng 29 points, 9 rebounds at 3 assists at naglista si Encho Serrano ng 20 markers para sa 4-7 baraha ng Phoenix.
Sa kabila ng ikalawang dikit na kabiguan ay may playoff ticket na ang Fuel Masters sakaling magkaroon ng pagtatabla para sa No. 8 seat sa quarterfinals.
Ipinoste ng Bolts ang 15-point lead, 90-75, mula sa triple ni Black sa 4:45 minuto ng final canto matapos ang maliit na 73-68 abante sa third period.