TVJ, paaabutin ng 50 years ang eb; kampo ni willie may pinakakalat na wow bulaga?!
Mainit pa ring pinag-uusapan ang isyu ng Eat Bulaga, at kahit anong kulit ko sa ilang Dabarkads, dedma sila. Basta tuloy pa rin naman sila sa Eat Bulaga.
May nagsabi sa aming kaya hindi sila sumasagot sa pangungulit ng mga entertainment press, dahil wala naman daw silang masabi sa ngayon.
Hindi raw nila alam kung ano ang susunod na mangyayari. Parang ‘floating’ daw sila na sumusunod na lang kung saan sila dadalhin ng agos.
Tinawagan ko si Pauleen Luna kung magbu-Bulaga pa ba siya, “hindi” ang sagot sa akin.
Tuloy naman daw si Vic Sotto, at regular na pumapasok sa studio. Siya raw ay sa bahay lang dahil naka-leave pala siya.
Ipinakiusap na lang niyang huwag ko munang isulat kung bakit siya on leave. Kaya wala siyang masabi tungkol sa nangyayari sa kanila ngayon sa Eat Bulaga.
Ang dami nang haka-hakang lumutang—kagaya ng kuwentong nakikipag-usap na raw sina Tito, Vic Sotto and Joey de leon sa Net 25.
Inaayos na raw ang isang noontime show na gagawin ng TVJ sa Net 25. Hindi lang alam kung ang APT Entertainment ba ni Mr. Tony Tuviera ang producer.
Nung nakaraang Biyernes ay live si Bossing Vic sa Eat Bulaga na kung saan sinelebrayt nila ang kaarawan ni Maine Mendoza.
‘Yung first segment lang na binati si Maine sa kanyang kaarawan, at ang Pinoy Henyo lang ang live.
‘Yung ibang segment ay naka-tape na pala.
Kahapon naman sa opening ng finals ng Little Miss Diva nila ay ipinakilala ang TVJ at kinanta ang theme song nitong longest-running noontime show.
Nakakapanindig-balahibo, lalo na’t sumabay sa pagkanta ang nasa audience at lahat na nasa studio.
Sabi ni Tito Sen, “Para sa mga kabataan at mas bata pa sa kanila, nililinaw ko lang ha, ang nag-compose ng kantang Eat Bulaga, si Vic Sotto.
“Ang nag-imbento ng salitang Eat Bulaga, si Joey de Leon!”
Sabi naman ni Tito Joey, “Sandali, si Vic ang nag-compose ng kanta, ako ang nakaisip ng Eat Bulaga, ano ginawa mo?”
Mabilis din ang sagot ni Tito Sen ng, “Ako manager!”
May hirit uli si Tito Sen pagkatapos mag-perform ang walong finalists, ng Little Miss Diva.
Sabi niya, “Congratulations sa production ng Eat Bulaga! Keep it up! Keep up the good work. Walang dapat baguhin sa production ng Eat Bulaga.”
Sabi naman ni Tito Joey, “Akin, ini-extend ko ang invitation sa inyong lahat. Magkita-kita ulit tayo, after six years to celebrate Eat Bulaga’s 50 years on television.
“”Kumbidado kayo! Tuloy tayo! 50 years of Eat Bulaga on television, mga teenagers na kayo pero ang mga bulilit dito 11 years pa lang to, after 6 years!”
Kaya trending na naman sa Twitter ang naturang noontime show.
Sumabay pa ang kumalat na tsismis na ipapalit daw sa TVJ ay si Willie Revillame na close raw sa dating Cong. Romeo Jalosjos.
Kahapon nga ay kumalat na ang isang poster layout ang bagong noontime show na pinamagatang Wow Bulaga.
Naka-headline doon sa layout si Willie kasama si Allan K at ang sikat na vlogger na si Bretman Rock. Kasama rin sina Jose Manalo at Wally Bayola.
Walang nakapagsabi kung legit ‘yun o fan-made lang.
Kaya abang-abang pa rin tayo, sa mga susunod na magaganap.
Ashley, hiwalay na sa karelasyong pulitiko!
Isang linggo na lang matatapos na ang Luv Is: Caught In His Arms. At ang ipapalit ngayon ay ang kauna-unahang figure skating drama series na Hearts on Ice.
Ang gandang break nito kay Ashley Ortega na dati nang lumalaban sa figure ice-skating pero ngayon ay mapapanood sa isang drama series ang galing niya at sinabayan pa ng matinding acting.
Kaya nagpapasalamat siya sa GMA 7, dahil wala raw siyang kaalam-alam na nung nasa Widows’ Web pa lang daw siya ay binubuo na pala ang seryeng ito. “Nung Widows’ Web, hindi ko alam na meron pala silang ginagawang show for me. I found out na last year, so, ayoko namang isipin na they did it for me. And I was really grateful, really grateful and sobrang fulfilling ang show na to kasi I get to do the things that I love, ‘yung figure skating.
“So, talagang, I have to give so much effort on this show. Kasi ang taas din ng expectations ng mga tao sa akin,” pakli ni Ashley.
Mas naka-focus daw siya ngayon sa kanyang showbiz career, lalo na’t eere na itong Hearts on Ice.
Hindi makakasagabal ang lovelife dahil last year pa pala sila break ng boyfriend niyang si Mayor Mark Alcala ng Lucena City, Quezon.
Bentang-benta pa naman sa TikTok ang cute na mayor na ito, pero sabi ni Ashley mutual decision daw nila ito na maghiwalay na lang. Kaya focus na raw siya sa kanyang showbiz career.
“Ang focus ko talaga is my career right now. Ibubuhos ko ang lahat ng oras ko, ng effort ko sa show na ‘to.
“Parang there’s so much on my plate right now, ang Hearts on Ice. Siyempre, tuluy-tuloy ang taping. Wala pa ring time ‘yun lovelife,” pakli niya.
Masaya naman daw siyang single muna siya ngayon.
“I’m really happy. I want to stay single. Kasi mas maraming nagagawa ‘pag single ka. Priority ko talaga is my career, at ito talaga ang biggest break na nakuha ko ‘di ba? So, I think I have to put all my attentions here para hindi mahati ang oras ko sa ibang bagay,” dagdag niyang pahayag.
Sa March 13 na magsisimula ang Hearts on Ice pagkatapos ng Mga Lihim ni Urduja.
Kasama niya rito si Xian Lim, at magagaling na veteran stars na sina Amy Austria, Tonton Gutierrez, Lito Pimentel, Ina Feleo, at marami pa.
Si Dominic Zapata ang direktor nito.
- Latest