MANILA, Philippines — Tatanggap si Olympic gold medalist Hidilyn Diaz ng hiwalay na special award sa San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Annual Awards Night sa Lunes sa grand ballroom ng Diamond Hotel.
Bukod sa kanyang Athlete of the Year trophy ay ibibigay din sa Pinay weightlifter ang Champion of Grit and Glory award ng MILO.
Ang parangal ay para sa tagumpay ni Diaz at ang papel niya sa paghubog sa mga future champions sa pamamagitan ng kanyang weightlifting academy.
Bibigyan ng MILO ang 32-anyos na si Diaz ng isang trophy at framed printed collage ng kanyang 55kg record sa gala night na inorganisa ng pinakamatandang media organization sa pamumuno ni Tempo sports editor Rey Lachica at inihahandog ng Philippine Sports Commission at Cignal TV.
Magkakaroon din ng traditional MILO Junior Athletes of the Year recognition sa formal ceremony na iho-host nina Sev Sarmenta at Rizza Diaz.
Ang siyam na batang atleta na bibigyan ng Tony Siddayao Awards ay hihirangin ding Junior Athletes of the Year ng MILO.
Ang mga ito ay sina William John Riley Go (karting), Aleia Aielle Aguilar (jiu-jitsu), Miguel Carlos (archery), Karl at Elaiza Yulo (gymnastics), Heleina Dominique So at Robert Dayanan Jr (karate), Micaela Jasmine Mojdeh (swimming) at ang Philippine Junior chess team.
May medalya ring ibibigay sa mga awardees.