Hinataw ng De La Salle-Lipa ang kanilang ikatlong sunod na panalo matapos talunin ang Maryhill College of Lucena City, 25-16, 25-18, sa Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Under-18 Championships kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Sinandigan ng De La Salle-Lipa sina outside hitters Shane Andrei Dimaano, Danielle Kyle Marie Aldovino at ang 16-anyos na si middle blocker Vida Dominique Caringal para ihulog ang Maryhill sa 2-1 marka.
Nagmula ang Lipa City girls sa 25-11, 25-7 pagdaig sa New Gen Volleyball Club ng Santa Cruz (Laguna) noong Biyernes ng umaga
“The wins were unexpected,” ani De La Salle-Lipa College coach Imee Mendoza. “We didn’t take an off in our practice after our Friday’s morning game because we knew Maryhill is a strong team.”
Isasara ng De La Salle-Lipa ang kanilang girls Pool A matches laban sa Junction Youth Organization ng Los Baños sa torneong inorganisa ng PNVF sa pamumuno ni Ramon “Tats” Suzara katuwang ang Philippine Olympic Committee, Philippine Sports Commission, PLDT, Rebisco at Akari.
Humataw din ng magkasunod na panalo ang Bethel Academy ng General Trias, Cavite matapos talunin ang Team Hiraya ng Angono (Rizal), 25-14, 25-12, para sa kanilang 3-0 kartada.
Winalis naman ng California Precision Sports ang apat nilang laro nang igupo ang Canossa Academy of Lipa City, 25-16, 25-22, sa girls’ Pool C.
Itinala ng Parañaque Green Berets ang kanilang baraha sa 2-1 makaraang gibain ang Junction Youth Organization (0-3), 25-13, 25-22, sa girls’ Pool A.