MANILA, Philippines — Hinataw ni guard Encho Serrano ang lahat ng kanyang 28 points sa second half para igiya ang Phoenix sa 106-103 pagsapaw sa Converge sa 2023 PBA Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Fuel Masters para itaas ang kanilang baraha sa 3-5 at sumilip ng pag-asa sa quarterfinals.
Kumolekta si import Du’vaughn Maxwell ng 19 markers, 15 rebounds, 5 blocks at 3 assists habang may tig-16 points sina Tyler Tio at Jason Perkins.
“Like I always say, the most important game is the next game,” ani coach Jamike Jarin. “So this is the most important game, but right now the most important game for us is the game on Wednesday against Rain or Shine.”
Nadiskaril naman ang paglapit ng FiberXers sa isang ‘twice-to-beat’ bonus sa quarterfinals sa kanilang 6-3 marka.
Inilista ng Converge, nakahugot kay import Jamaal Franklin ng 30 points kasama ang anim na triples, ang 12-point lead, 59-47, sa third period bago humataw ang Phoenix para kunin ang 102-101 abante sa huling 1:34 minuto ng fourth quarter.
Ang layup ni Justin Arana sa nalalabing 56.2 segundo ang nagbigay sa FiberXers ng 103-102 kalamangan.
Nagsalpak naman si Serrano ng isang free throw at basket para sa 105-103 lead ng Phoenix sa natitirang 18.7 segundo.
Ang split ni Tio ang nagtaas sa Phoenix sa 106-103 sa huling 3.5 segundo kasunod ang ikalawang mintis na tres ni Franklin para sa Converge sa pagtunog ng final buzzer.