MANILA, Philippines — Isa na naman ang nalagas sa lineup ng Gilas Pilipinas ilang araw bago ang sixth window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers na gaganapin sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Sa pagkakataong ito, si dating University of the Philippines standout Carl Tamayo ang nagpaalam na hindi ito makalalaro sa qualifiers.
Kinumpirma ito ni Samahang Basketbol ng Pilipinas executive director Sonny Barrios sa ensayo ng Gilas Pilipinas noong Lunes ng gabi sa Meralco Gym.
“Tamayo begged off for sixth window,” ani Barrios.
Si Tamayo ang ikalimang player ng Gilas Pilipinas na kumpirmadong hindi makalalaro sa sixth window.
Una na si Kai Sotto na nagpaalam na hindi ito makalalaro upang pagtuunan ang pagsabak nito sa NBA Summer League at sa Japan B.League kasama ang Hiroshima Dragonflies.
Wala na rin sa pool sina Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra, Roger Pogoy ng Talk ’N Text at Angelo Kouame ng Ateneo de Manila University na pare-parehong may injury.
Sesentro ang atensiyon ni Tamayo sa pagsabak nito sa Japan B.League.
Kamakailan lamang ay pumirma ito ng kontrata para maglaro sa Ryukyu Golden Kings.
Pormal na itong ipinakilala bilang bagong miyembro ng Ryukyu.
Kaya naman gumagawa na ng game plan si Gilas Pilipinas head coach Chot Reyes sa rotation ng kanyang mga players.
Haharap ang Gilas squad sa dalawang laro sa sixth window.
Unang makakalaban nito ang Lebanon sa Biyernes kasunod ang Jordan sa Pebrero 27.