MANILA, Philippines — Itinalaga ng Philippine Olympic Committee (POC) si Cavite Governor Jonvic Remulla bilang Chef de Mission (CDM) ng Team Philippines sa Paris 2024 Olympics.
Pormal nang inihayag ni POC President Rep. Abraham “Bambol” Tolentino ang pagluklok kay Remulla bilang CDM ng pambansang delegasyon.
Pinangalanan din sina wrestling association chief Alvin Aguilar bilang CDM sa World Combat Games at rugby federation head Ada Milby sa 2024 Winter Olympic Youth Games.
Idaraos ang Paris Olympics sa Hulyo 26 hanggang Agosto 11 habang ang Winter Olympic Youth Games ay gaganapin sa Enero 19 hanggang Pebrero 1 sa Gangwon Province sa South Korea — pareho sa 2023.
Lalarga naman ang World Combat Games sa Oktubre 21 hanggang 30 sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia.
Una nang itinalaga ng POC si Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio para maging CDM subalit tumanggi ito dahil sa abalang schedule nito bilang SBP head at CEO ng PLDT/Smart.
“We understand Al’s (Panlilio) situation so we decided to appoint a new CDM for the Paris Olympics, somebody who has a great passion for sports, a true sportsman, somebody who has leadership, a workhorse and that’s Governor Jonvic (Remulla)” ani Tolentino.
Si Remulla ang honorary chairman ng rowing association at team manager ng University of the Philippines men’s basketball team.
“The POC wanted a dedicated sportsman or personality who could live up to the responsibilities and obligations as CDM to Paris,” dagdag ni Tolentino.