MANILA, Philippines — Nagsanib-puwersa sina Maddie Madayag, Kat Tolentino at Bea De Leon para igiya ang Choco Mucho sa 25-15, 25-20, 25-20 panalo sa Akari sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tangan agad ang 1-0 karta, masaya si bagong Flying Titans’ coach Dante Alinsunurin sa ipinakitang husay ng kanyang tropa at sa una nitong panalo sa PVL.
“Sobrang saya sa naging panalo namin. This is my first win in the PVL, so ramdam na ramdam ko talaga ang pagka-panalo namin,” ani Alinsunurin.
Kumana ng tig-11 points sina Tolentino, De Leon at Madayag, habang bumakas ng 10 markers si Isa Molde para sa Choco Mucho na gamay na ang sistema ni Alinsunurin.
“All teams are actually eyeing to make it to Top 4 but we’re targeting the final three spots,” ani Madayag.
Nakalamang ng dalawang puntos ang Power Chargers sa third frame, 13-11, pero hindi mapigilan sina Madayag, Tolentino at De Leon.
Umarangkada ng 5-1 run ang Flying Titans para agawin ang 16-14 bentahe hanggang dulo.
Tumipa si Dindin Santiago-Manabat ng 17 markers sa panig ng Akari.